Kaya Tumaas Ang Langit

MABABA ang langit nuong Unang Panahon, abot na abot ng tao. Isang araw, lumabas ng bahay ang isang matandang dalaga upang magbayo ng palay. Bago nagsimula, inalis niya ang kanyang suklay mula sa buhok, at mula sa leeg, ang kanyang butil-butil na kuwintas at pinagsasabit lahat sa langit na nuon ay hugis matutulis na batuhang dagat.

Saka siya nagbayo ng palay. Tuwing angat niya sa pambayo, tinamaan niya ang langit, na tumaas nang kaunti tuwi na. Pagtagal, napagod siya at lalo niyang pinag-sigasig ang bayo, at lalong lumakas ang hampas ng kanyang pambayo sa langit, na lalong umangat. Pagtama ng isang napaka-lakas na bundol, biglang tumaas nang tuluy-tuloy ang langit.

Walang tigil umakyat ang langit, tangay lahat ng alahas ng matandang dalaga, hanggang hindi na abot ng tao maliban sa tanaw. Ang tangay na suklay ay naging buwan. Nagkahiwa-hiwalay at kumalat ang butil-butil na kuwintas at naging mga tala na kumikinang tuwing gabi.

0 comments:

Post a Comment

 
© 2009 - PINOY BLOG EXPRESS 3.0 | Free Blogger Template designed by Choen

Home | Top